dzme1530.ph

71 IFPs na nagkakahalaga ng P4.11-T, isinasakatuparan na ng administrasyong Marcos

Umabot na sa 71 malalaking proyekto sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P4.11-T ang nasimulan na ng administrasyong Marcos.

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na ito ang kanilang iprinisenta sa ika-8 NEDA board meeting kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Balisacan na tatlo ang nadagdag sa mga nasimulang proyekto kabilang ang Metro Cebu Expressway, Nautical Highway Network Improvement, at Daang Maharlika Improvement Project.

12 sa ongoing projects ang inaasahang matatapos na ngayong taon.

Samantala, sa nalalabing 123 infrastructure flagship projects (IFPs), 27 na ang aprubado, walo ang naghihintay pa ng approval, 52 ang nasa preparation phase, at 36 ang nasa pre-project preparation phase.

Nagtakda rin ang NEDA Board ng revised guidelines sa formulation, prioritization, at monitoring ng IFPs, at sa ilalim nito ay naaprubahan na rin ang tatlo pang proyekto kabilang ang TPLEx extension project, Philippine Rural Development Project scale up, at Laguindingan International Airport Project sa Misamis Oriental. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author