Tinukoy ng Department of Foreign Affairs ang pitong warlike at high-risk areas para sa Filipino seafarers.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na kabilang dito ang Yemeni Coast at Southern Central Red Sea, kung saan dalawang Pinoy seafarer ang nasawi matapos pasabugan ng missile ng Houthi rebels ang sinasakyan nilang merchant vessel.
Kasama rin ang Gulf of Guinea sa Liberia, Sea of Azov, Strait of Kerch, Northern Black Sea region, lahat ng pantalan sa Ukraine, at ang Black Sea.
Ipinaliwanag ni de Vega na kapag ang isang bahagi ng karagatan ay tinukoy na warlike area, ang mga seafarer ay may karapatang tumanggi na maglayag dito, at bibigyan sila ng repatriation at compensation na katumbas ng dalawang buwang sweldo mula sa kanilang kumpanya.
Kung pipiliin pa rin nilang maglayag, tatanggap sila ng double-pay bonus, kaakibat ng death at disability benefits.