dzme1530.ph

6 na dayuhan, dinakip ng Bureau of Immigration

Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na dayuhan dahil sa paglabag sa mga batas ng Pilipinas.

Sa record ng BI, kasama sa mga dinakip ang tatlong Chinese, isang Sri Lankan, isang Indian at isang Nigerian.

Hinuli ang tatlong Chinese noong September 12 sa Peneyra Rd. Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan dahil sa iligal na pag-o-operarate ng fishery business at junkshop.

Isa sa tatlong Chinese ay nagpakita ng kahina-hinalang passport habang ang dalawa ay nagpakita ng dokumento na nagtratrabaho sila sa Makati.

Kinilala naman ang Sri Lankan na si Mihindukulasuriya Jude Sumedha Fernando, nadakip sa Brgy. San Fernando, San Jose, Antique dahil sa overstaying at undocumented o walang visa na nagtratrabaho sa isang aluminum and glass supply.

Nahuli naman sa Waling-Waling Street, Brgy. San Pablo, Catbalogan City, Samar ang Indian na si Yadveer Singh dahil sa paggamit Philippine driver’s license sa kabila ng pagiging foreign national.

Sa Mandaluyong City, nasakote ang Nigerian na si Ihekwoaba Stanley Chibuzo dahil sa overstaying ng apat na taon sa Pilipinas.

Ayon sa intelligence team ng BI, si Chibuzo ay sinasabing miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) at sangkot sa mga scam at illegal activities sa bansa.

Isasalang sa deportation proceedings ang anim na dayuhan. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author