Maituturing nang public health emergency ang 500% na pagtaas ng kaso ng HIV sa mga kabataang Pilipino, na nangangailangan ng agarang at masusing aksyon mula sa pamahalaan at lipunan.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian sa pagsasabing wake-up call sa lahat na ang kabataan ay nasa panganib.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng mas maayos na pagpapatupad ng reproductive health education sa mga paaralan.
Kaya naman, nanawagan si Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga kakulangan at hindi pagkakatugma sa Department Order no. 031 S. 2018, na nagtatakda ng guidelines para sa pagtuturo ng comprehensive sexuality education.
Bukod dito, iginiit din ng senador ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga magulang sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa kanilang mga anak.
Inirekomenda ng senador ang mas aktibong pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service na programang layuning gawing mas handa ang mga magulang sa kanilang papel sa pagpapalaki ng mga anak.
Kasabay nito, binigyang-pansin din ni Gatchalian ang pagpapalalim ng GMRC o Good Manners and Right Conduct at Values Education bilang sandata laban sa lumalalang banta ng HIV.
Batay sa mga ulat, karamihan sa mga bagong kaso ng HIV ay mula sa sektor ng kabataan, na itinuturong bunga ng kakulangan sa impormasyon, maagang pakikipagtalik, at limitadong access sa serbisyong pangkalusugan.
Nanawagan si Gatchalian sa lahat ng sektor—pamahalaan, paaralan, magulang, at komunidad—na magtulungan upang maprotektahan ang susunod na henerasyon mula sa patuloy na pagkalat ng HIV.