Nasa 50 hanggang 60 pang Pilipino ang naiipit sa Sudan kasama ang kanilang mga employer at asawa sa gitna ng kaguluhan sa naturang bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes, ang mga nasabing Pinoy ay nais nang lumikas dahil sa panganib sa kanilang buhay.
Aniya, kakausapin nila ang mga employer na pakawalan na ang kanilang mga empleyado at titiyakin ang seguridad ng mga ito sa paglikas.
Ginarantiyahan din ni Cortes ang tulong sa mga Pilipino, kahit na sarado aniya ang mga bangko sa Sudan.
Sa tala ng DFA, 474 Filipino na ang nakauwi sa bansa at madaragdagan pa ito ng ilan pang mga batch, na darating ngayong linggo. —sa panulat ni Lea Soriano