Pinaimbestigahan ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang limang Airport Police personnel na umano’y sangkot sa pangongolekta sa mga taxi driver na naniningil ng sobra sa pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inilipat sa panandaliang relief ang mga ito pati na ang hepe ng Airport Police Department na si Bing Jose, batay sa command responsibility, at pansamantalang itinalaga si dating Airport Police Chief Louie Cometa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Ines, marami na siyang natatanggap na reklamo tungkol sa sobrang singil sa mga pasahero, karamihan ay OFWs.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang 24/7 na operasyon laban sa mga taxi at TNVS na lumalabag sa patakaran ng NAIA.
Batay sa datos ng MIAA, mahigit 900 sasakyan ang nahuli ngayong buwan sa NAIA complex, at ilan dito ay na-impound dahil sa iba’t ibang paglabag.