Sinibak sa puwesto ang limang pulis sa General Santos City matapos umanong mangikil ng ₱50 sa isang motorista.
Ayon kay Col. Nicomedes Olaivar Jr., hepe ng General Santos City Police Office, nakatanggap sila ng reklamo sa pamamagitan ng 911 hotline na nagrereklamong nangikil ng pera ang mga pulis sa isang checkpoint sa Barangay Tambler.
Sa imbestigasyon, lumabas na hindi otorisado ang nasabing checkpoint. Doon umano hinarang ng mga pulis ang biktima at kinikilan ng ₱50 bilang pambili raw ng pagkain.
Agad na kumilos ang Police Regional Office 12 (PRO-12) matapos ang reklamo, at isinailalim sa restrictive custody ang limang sangkot na pulis. Kabilang sa mga ito ang isang hepe ng Police Station 5, isang sarhento, isang korporal, at dalawang patrolman.
Napag-alamang dati nang inireklamo ang isa sa mga sangkot na pulis dahil din sa pangongotong. Sa ngayon, nahaharap ang mga ito sa kasong administratibo.