Kulang kulang 500 person deprived of liberty (PDL) ang inilipat ng Bureau of Correction (BuCor) sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Ayon kay BuCor Chief Director General Gregorio Pio Catapang Jr. may kabuuang 493 PDLs kabilang ang 171 Chinese nationals ang nailipat na bilang bahagi ng ng programa para ma-decongest ang state penitentiary.
Sinabi ni Catapang na ang mga inilipat na PDL ay pawang mula sa NBP maximum security compound patungong Sablayan at ito’y makabubuti rin anya sa kanilang kalusugan, seguridad at kaligtasan.
Base sa kanilang datos umabot na sa higit sa 1000 ang bilang ng mga PDL na inilipat sa labas ng Metro Manila at mas marami pa anya ang ililipat ngayong taon dahil ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad sa Davao, Iwahig, Leyte at San Ramon Prison and Penal Farms ay matatapos ngayong taon na maaaring tumanggap ng higit pang mga PDL.
Ibinunyag din ni Catapang na ang paglilipat ng mga high profile na PDL mula sa NBP patungo sa iba pang kulungan at penal farms at ang mga repormang ginagawa niya sa BuCor ay ginagamit na ngayon para sirain ang kanyang administrasyon upang mailagay ang isang taong gusto nila.
Iginiit ni Catapang na hindi siya mapanghihinaan ng loob na ipatupad ang programa at reporma para ayusin ang sistema sa BuCor. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News