Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na napalaya na ng Kingdom of Saudi Arabia ang apat na overseas Filipino worker (OFWs) na ilang taon nang nakakulong dahil sa pagkakautang sa nasabing bansa.
Ayon sa DMW ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang mga naturang OFW nang mabigyan ng pardon matapos ang tatlo hangang limang taong pagkakakulong sa isang deportation facility sa western Region ng Jeddah, Saudi Arabia.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DMW Usec. Hans Leo Cacdac na ang mga OFW ay nagta-trabaho sa Saudi bilang isang printing press technician, airconditioner technician trailer driver, at isang merchandiser.
Dagdag pa ni Cacdac, ang DMW ay nagpaabot ng tulong pinansyal reintegration assistance sa mga ito, at isasailalim din sila sa psychosocial services para suriin ang kanilang kakayahan na makapag trabahong muli sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE). —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News