Inirerekomenda ng PNP-Internal Affairs Service ang agarang pagsibak sa serbisyo ng apat na pulis na napatunayang guilty sa pangingikil ng ₱300,000 sa isang engineer sa Cotabato City.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, napatunayan sa imbestigasyon na guilty ang mga pulis sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Pinara umano ng mga pulis ang sasakyan ng biktima noong Marso 25, 2024 dahil sa umano’y kahina-hinalang plaka.
Nang hingan ng mga dokumento, wala silang naipresenta tulad ng LTO verification, traffic violation receipt, technical inspection and inventory receipt, at impounding receipt.
Sa halip, humingi sila ng pera kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.
Agad na humingi ng tulong ang engineer, at nagsagawa ng entrapment operation ang PNP-IMEG Mindanao Field Unit noong Abril 12, kung saan nahuling tumanggap ng ₱20,000 ang mga pulis bilang kapalit sa pag-release ng sasakyan.
Bukod sa pagsibak sa serbisyo, kabilang sa rekomendasyon ng IAS ang pagbawi ng retirement benefits, kanselasyon ng civil service eligibility, at habambuhay na pagbabawal sa pagpasok sa anumang posisyon sa pamahalaan.