Tuluyan nang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Japanese national na wanted sa kanilang bansa.
Kinilalang ang apat na Japanese na sina Fujita Kairi, 24; Kumai Hitomi, 25; Terashima Haruma, 28; at Sato Shohei, 32, sakay ng Japan airlines flight JAL,746 mula NAIA terminal 1 patungong Narita matapos ma-tag ng BI bilang undesirable aliens at in-escort-an ng Japanese police.
Sina Fujita at Kumai ay inaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong Mach 10 sa Paranaque City dahil sa standing arrest warrant na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 2022 para sa pagnanakaw na labag sa Japanese Penal Code.
Kapwa pinaghihinalaang sangkot sa kasong ‘Luffy’ na dating naging headline sa Japan dahil sa paggawa ng sunud-sunod na mararahas na krimen sa Tokyo.
Naharang si Terashima sa BI Satellite office sa SM Aura, Taguig noong February 28 kasunod ng pagtatangkang palawigin ang kanyang tourist visa.
Nahaharap si Terashima sa isang katulad na kaso sa Japan, matapos maiulat na nagpanggap bilang pulis at isang empleyado ng Japan Ministry of Finance para magnakaw ng mga ATM card.
Habang si Sato naman ay pinaghahanap din sa kasong pagnanakaw sa Japan at inaresto noong Abril 24 ng mga opisyal ng FSU sa Newport Blvd. sa Pasay City.
Ang apat na Japanese National ay isinama na sa blacklist ng BI upang hindi na muling makabalik ng Pilipinas. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News