Aprubado sa mga lider ng kamara ang desisyon ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. na palawigin ng apat na buwan o hanggang Hunyo 2025 ang termino ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Ayon kina Cong. Robert Ace Barbers ng Committee on Dangerous Drugs at Rep. Dan Fernandez ng Public Order and Safety, epektibo si Marbil sa pagsugpo ng krimen at iligal na droga gamit ang makatao at intelligence-driven campaign.
Mula sa pagiging agresibong taktika ng PNP sa nakalipas na panahon, nabago ito ni Marbil at nirespeto ang ‘human dignity na nagbalik din sa public trust.’
Kaya naman suportado ni Barbers at Fernandez ang term-extension dahil epektibo nitong naipatutupad ang reporma sa PNP.
Maging ang PNP ay naglabas ng pahayag bilang suporta sa pasya ng Pangulo na palawigin ang panunungkulan ni Marbil.
Bukod kay Marbil, kinilala at pinuri rin ni Barbers at Fernandez ang magandang pamumuno nina NCRPO Chief Brig. Gen. Anthony Aberin at CIDG Chef Brigadier Gen. Nicolas Torre III.
Si Aberin na nagsimulang pamunuan ang NCRPO noon lamang Nov. 2024 ay nagpatupad ng “AAA” policing strategy na nagresulta sa 19.61% pagbaba ng krimen.
Samantalang si Torre bilang CIDG chief ay may excellent performance din base sa 1,159 arrested suspects kabilang ang 881 na mga pugante.