Apat na domestic flight ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ang kinansela ngayong araw dahil sa masamang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa abiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), base sa ulat ng PAGASA, nakakaranas ng makakapal na ulap at kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang Cagayan Valley region bunsod ng low pressure area.
Sa kabuuan, 561 na air passengers ang apektado ng flight cancellations.
Dalawang biyahe ng Cebu Pacific ang apektado, kabilang ang 5J 504 at 5J 505 (Manila–Tuguegarao–Manila), habang dalawa rin mula sa Philippine Airlines, o ang PR 2014 at PR 2015 (Manila–Tuguegarao–Manila).
Kaagad namang in-activate ang Malasakit Help Desk sa Tuguegarao Airport sa pamamagitan ng koordinasyon ng Civil Aeronautics Board (CAB) at ng PNP Aviation Security Unit (AVSEU) Region 2 upang matulungan ang mga apektadong pasahero.