Inirekomenda ng Five-Man Advisory Group na isailalim ang 36 na senior police officials sa mas malalim na ebalwasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sa press conference, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na inabswelto ng advisory group ang natitirang 917 senior police officials na nagsumite rin ng kanilang courtesy resignations, mula sa anumang pagkakasangkot sa iligal na droga.
Idinagdag ni Fajardo na sa sandaling maisumite na ang findings kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nasa pagpapasya na ng punong ehekutibo kung kaninong courtesy resignations ang tatanggapin.
January 4 nang umapela si Interior Secretary Benhur Abalos sa Senior PNP Officials na magsumite ng kanilang courtesy resignations bilang bahagi ng paglilinis ng pamahalaan sa organisasyon mula sa mga tiwaling opisyal na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga. —sa panulat ni Lea Soriano