Tatlumpu’t limang (35) personalidad na umano’y dawit sa maanomalyang flood control projects ang isinama sa monitoring list ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, natanggap na ng kanilang ahensya kahapon ang kopya ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).
Ang naturang order na pirmado ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ay inisyu batay sa hiling nina Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta at Atty. Rodolfo Noel Quimbo, director general ng Blue Ribbon Oversight Office Management (BROOM).
Kabilang sa listahan sina Cezarah Discaya, Ma. Roma Discaya Rimando, Allan Quirante, Alex Abelido, Raymond Abelido, at 30 iba pa.
Nilinaw naman ni Viado na ang ILBO ay para lamang sa monitoring purposes at hindi sapat na batayan upang pigilan ang mga subject na lumabas ng bansa.