dzme1530.ph

312 paaralan nasira ng bagyong Uwan

Loading

Iniulat ng Department of Education (DepEd) na hindi bababa sa 312 pampublikong paaralan ang nagkaroon ng pinsala sa imprastruktura dahil sa bagyong Uwan, kung saan kabilang ang Bicol at CALABARZON sa mga rehiyong pinakamatinding naapektuhan.

Ayon sa Situation Report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ngayong Lunes, Nobyembre 10, 1,182 silid-aralan ang bahagyang nasira, 366 ang malubhang pinsala, at 261 ang tuluyang nasira. Patuloy ang beripikasyon ng datos habang dumarating ang karagdagang ulat mula sa iba’t ibang mga rehiyon.

Iniulat din na 5,572 silid-aralan sa 1,072 paaralan sa 11 rehiyon ang pansamantalang ginagamit bilang evacuation centers. Nakikipag-ugnayan ang DepEd sa mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs) para sa mabilis na pagsusuri at koordinasyon ng tulong.

Upang matugunan ang agarang pangangailangan, nakapagtakda ang DepEd ng ₱20.2 milyon para sa paglilinis at clearing operations, at ₱57.9 milyon para sa minor repairs. Inuuna rin ng DepEd ang implementasyon ng Alternative Delivery Modes (ADMs) sa mga paaralang pansamantalang sarado, kabilang ang paggawa ng learning packets at lesson guides sa ilalim ng Dynamic Learning Program (DLP).

Tiniyak ng DepEd ang kaligtasan at proteksyon ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan, pati na rin ang pagpapanatili ng learning continuity sa mga apektadong komunidad habang nagpapatuloy ang beripikasyon ng pinsala.

About The Author