30,000 metriko tonelada ng galunggong at iba pang isda ang inaasahang darating sa ikatlong linggo ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre, sa harap ng lumobong presyo nito na hanggang ₱60 kada kilo.
Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang retail price ng galunggong na minsang tinagurian bilang “poor man’s fish,” ay nasa pagitan na ng ₱240 hanggang ₱360 kada kilo, kumpara noong nakaraang buwan na nasa pagitan ng ₱200 hanggang ₱300 per kilo.
Dinepensahan ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesman Nasser Briguera ang desisyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council, na itaas ang volume ng imported na isda sa 30,000 metric tons mula sa original na 25,000 metric tons, bunsod ng pinsalang idinulot ng mga bagyo sa fishery sector.
Idinagdag ni Briguera na sisimulan na rin ng pamahalaan ang implementasyon ng closed fishing season sa Palawan sa Nov. 1 habang ang fishing ban sa Zamboanga Peninsula ay mag-uumpisa naman sa Nov. 15.
Ipinaliwanag ng BFAR official na ang tatlong buwang fishing ban ay upang mabigyan ng panahon ang mga isda na magparami. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera