![]()
Pormal nang tinanggap ng 30 tipster ang kabuuang ₱10.6 milyon na cash reward mula sa Philippine National Police.
Sa ginanap na Handover of Monetary Reward sa Camp Crame, personal na iniabot ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pabuya sa mga informant na nakatulong upang maaresto ang iba’t ibang kriminal na may sari-saring kaso.
Nakasuot ng full-face mask at jacket, isa-isang umakyat sa entablado ang mga tipster upang tanggapin ang kanilang gantimpala.
Pinakamalaki ang natanggap ng isang tipster na ₱5.3 milyon matapos isiwalat ang kinaroroonan ng isang wanted person na may pitong bilang ng multiple murder at 25 bilang ng frustrated murder.
Dalawa pang tipster ang tumanggap ng tig-₱500,000 dahil sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa dalawang indibidwal na may kasong six counts of kidnapping and serious illegal detention at murder.
Ayon kay Nartatez, malaking tulong ang pagbibigay ng reward sa pagpapabilis ng pag-aresto sa mga pinaghahanap ng batas.
Gayunman, iginiit ng opisyal na kahit walang pabuya, tuloy-tuloy ang pagtugis ng PNP sa mga kriminal.| via Allen Ibañez
