dzme1530.ph

30 residente ng Estero de Magdalena ililipat na sa relocation site sa Cavite

Tinatayang nasa 30 pamilya na nakatira sa Estero de Magdalena sa bahagi ng Binondo, Maynila ang maglilipat-bahay ngayong araw.

Sila ay ire-relocate o ililipat na sa Trese Martires, Cavite.

Tinutulungan ang mga naturang residente ng Department of Engineering at Department of Social Welfare ng Manila City LGU, gayundin ng National Housing Authority (NHA).

May mga truck din na nakaantabay ang lokal na pamahalaan ng Maynila, kung saan ikinakarga ang mga gamit ng mga pamilyang ire-relocate sa Cavite.

Ang mga bus naman ng MMDA ang siyang maghahatid sa bawat pamilya kung saan bukod dito, nagbigay din ng food pack sa mga residente naglilipat-bahay.

Nagpasalamat naman ang mga pamilya sa tulong at pabahay na ini-alok sa kanila ng pamahalaan.

Matatandaan na noong Mayo naging laman ng balita ang Estero de Magdalena makaraang may masawing dalawang residente dahil sa pagbagsak ng isang puno ng balete.

Bunsod nito, agad na nagplano at inayos ng Manila LGU ang relokasyon para sa mga nakatira roon. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author