NANINDIGAN si Senador Win Gatchalian na dapat ganap na maipagkaloob ang 30-araw na flexible at tuloy-tuloy na bakasyon ng mga guro bago ang pagbubukas ng School Year 2025-2026, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at serbisyo.
Sinabi ni Gatchalian na responsibilidad ng mga school heads at iba pang opisyal sa Department of Education (DepEd) na tiyaking lubos na mapapakinabangan ng mga guro ang kanilang bakasyon, at hindi sila binibigyan ng hindi kinakailangang gawain sa panahong ito.
Ang mga guro anya ay sobra nang pagod, lalo na habang isinusulong nang mga reporma para sa ikabubuti ng sektor ng edukasyon kaya’t dapat silang bigyan ng pagkakataong makapagpahinga.
Idinagdag pa ng senador na patuloy siyang magsusulong ng mga panukalang magtataguyod sa kapakanan ng mga guro, kabilang na ang Revised Magna Carta for Public School Teachers o ang Senate Bill No. 2493 na layuning palakasin ang proteksyon at benepisyo ng mga pampublikong guro sa bansa.
Ipinaalala ni Gatchalian na ang pag-aalaga sa mga guro ay pag-aalaga rin sa kinabukasan ng mga kabataan.