Daan-daang libong sako ng bigas ang natagpuan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) nang bisitahin at inspeksiyunin ang tatlong malalaking taguan ng bigas sa Bulacan.
Pinaliwanag ng BOC na ang Visitorial and Inspection Authority ay alinsunod sa Chapter 2, Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa press statement ng BOC, P505-M ang halaga ng 200,000 na sako ng inangkat na bigas mula sa Vietnam, Cambodia at Thailand na nakatago sa mga binisitang bodega.
Hindi naman pinangalanan ni Commissioner Bienvenido Rubio ang may-ari ng ininspeksiyon na warehouses.
Sa kasalukuyan, isinara ng BOC ang naturang warehouses sa Intercity Industrial Complex sa Balagtas, Bulacan ngunit binigyan ito ng pagkakataon ni Rubio na makapaghain ng mga katunayan na ligal ang ginawang importasyon ng bigas.
Kasama ng BOC sa naturang inspeksiyon sina House Speaker Martin Romualdez, ACT CIS Partylist Representantive Erwin Tulfo, Congressman Wilfrido Mark Enverga at Congressman Ambrosio Cruz Jr.
Ang hakbang ng BOC ay alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa rice smuggling. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News