Umakyat na sa 797 ang bilang ng mga pulis na iniimbestigahan ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) simula nang manungkulan bilang hepe ng pambansang pulisya si Gen. Nicolas Torre III.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, mula June 2 hanggang July 7 ngayong taon ay nakapagtala na sila ng 208 kasong administratibo laban sa mga pulis.
Sa naturang panahon, labing-siyam na pulis na ang natanggal sa serbisyo dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer. Kabilang sa mga nasibak ang isang may ranggong Police Lieutenant Colonel, ang pinakamataas na opisyal sa listahan.
Dagdag pa ni Dulay, siyam na kaso ang naresolba na ng IAS kung saan sangkot ang 31 pulis.
Binigyang-diin din ni Dulay na hindi magdadalawang-isip ang IAS na magsampa ng kaso laban sa mga tiwaling pulis, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni PNP Chief Gen. Torre III na linisin ang hanay ng kapulisan.