Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi na magkakaroon ng unprogrammed fund sa 2026 national budget.
Ayon kay Sotto, papayagan lamang ito para sa mga foreign-assisted projects tulad ng mga proyektong may international loans o grants.
Hindi na rin umano papayagan ang mga insertions na naging ugat ng mga “ghost” at substandard flood control projects.
Tiniyak ni Sotto na 100 percent nilang isusulong ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian ang zero unprogrammed funds at hindi na kukunsintihin ang budget insertions sa bicam kahit anong ganda pa ng proyekto.
Ipinaliwanag ni Sotto na ang amendment ay hindi galing sa second reading na inaprubahan sa plenaryo at kung bigla na lamang naglagay ng amendment tulad sa bicam, ito ay matatawag na insertion o pagsisingit ng proyekto.
Lahat aniya ng programa at proyekto ay ilalagay na sa programmed funds upang maging maliwanag na nakalagay kung anong proyekto ang prinopose, sino ang mambabatas na proponent at saan huhugutin ang budget.