Nagkasundo sina Budget Sec. Amenah Pangandaman at Public Works Sec. Vince Dizon na tapusin ang pagrebisa sa proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa loob ng dalawang linggo.
Nagpulong ang dalawang kalihim kasunod ng “unprecedented directive” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na rebisahin ang DPWH budget sa 2026 National Expenditure Program.
Ito’y sa gitna ng mga pangamba dahil sa umano’y inconsistencies at double entries sa ilang proyekto.
Ayon kay Dizon, bukas siya sa utos ng Pangulo dahil hindi pa siya pamilyar sa proseso ng budget allocation para sa libu-libong proyekto ng DPWH.
Dagdag pa niya, sisimulan ng Department of Budget and Management (DBM) at DPWH ang pagrebisa sa mga proyektong pinuna ng Kongreso.
Una nang inirekomenda ng mga lider ng Kamara na ibalik ang 2026 NEP sa DBM at pansamantalang itigil ang budget deliberations hanggang maayos ang napaulat na maling entries.