Iginiit ni Senate President Francis Escudero na dapat maging climate adaptive at climate resilient ang aaprubahan nilang 2025 national budget.
Ito ay matapos aniya ang paghagupit ng bagyong Kristine na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Southern Luzon.
Tiniyak ni Escudero na hindi lang ang flood control projects ang kanilang bubusisiin sa pagtalakay sa panukalang 2025 budget sa plenaryo sa senado partikular na sa pagtalakay sa budget ng DPWH at DENR.
Ayon kay Escudero, tatalakayin din ng senado kung ano na ang update sa pag aaral at paghahanda sa Climate Change adaptation matapos na lubugin sa baha ang lalawigan ng Bicol, Quezon, Batangas, Cavite, at Metro Manila sa hagupit ng bagyong Kristine.
Sinabi ng senate leader na dapat pag-aralan kung gaano dapat kataas at kakapal ang itatayong seawall upang hindi na abutin ng pagbaha ang mga malalapit sa dalampasigan.
Hindi lamang anya flood control projects ang dapat na tutukan kundi ang Climate Change adaptation at kung naipapatupad nang maayos ng kinauukulang ahensya.
Idinagdag pa ni Escudero dapat ring alamin ang research at kaalaman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ukol sa Climate Change adaptation. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News