Isinusulong ni Senador Lito Lapid ang panukalang magbibigay ng diskwento sa mga indigent jobseekers sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 2382 o Indigent Job Applicants Discount Act, nais ni Lapid na mabigyan ng 20% discount ang mga mahihirap na aplikante sa binabayarang fees at charges sa ilang government certificates at clearances, gaya ng NBI, Police Clearance, School Clearance o Transcript of Records, Medical, Marriage at Birth Certificates.
Naniniwala si Lapid na matutulungang maihango sa kahirapan ang isang pamilya kung may trabaho ang mga miyembro nito.
Kabilang sa kwalipikado sa panukala ang mga pamilyang nasa mababang poverty threshold, at tinukoy o senertipikahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) base sa criteria na itinakda sa ilalim ng Community-Based Monitoring System (CBMS).
Ang siyudad o munisipyo ang magbibigay ng Certificates of Indigency sa mga kwalipikadong aplikante.
Sa ilalim pa rin ng Lapid Bill, sinumang pampublikong opisyal o kawani na tumangging magbigay ng mga benepisyo para sa indigent job applicant ay mapapatawan ng multang hindi bababa sa P5,000 at hindi naman lalagpas sa P20,000. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News