Kinumpirma ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario na may dalawa nang nasawi matapos ang Magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental.
Ayon kay Almario, isang 54-anyos na ginang ang namatay matapos mabagsakan ng pader, habang ang isa pa ay naka-confine sa ospital sa Mati City na nasawi bunsod naman ng cardiac arrest matapos ang malakas na pagyanig.
Kinumpirma rin ng kongresista na tatlumpung minuto matapos ang lindol at maglabas ng tsunami alert ang PHIVOLCS, ay nagkaroon ng pag-atras ng tubig sa ilang dalampasigan ng Davao Oriental, subalit agad din itong bumalik.
Bukod sa dalawang nasawi at sa pag-atras ng tubig-dagat, maraming estudyante ang nakaranas ng panic attack dahilan para isugod ang ilan sa mga pagamutan.
May mga naiulat ding pagkasira ng kalsada, mga tahanan, at ilang tanggapan sa pribadong sektor.
Sa ngayon, nakararanas pa rin ng mahihinang aftershocks ang lugar kaya namamayani pa rin ang takot sa mga residente.