Nasawi ang dalawa katao habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng isang military vehicle na minamaneho ng isang sibilyan ang mga tao sa Bankerohan Public Market sa Davao City.
Nakaparada ang multi-purpose cargo truck mula sa Task Force Davao sa Pichon Street para magbantay ng seguridad sa paligid ng palengke nang sakyan ito ng isang sibilyan makaraang bumaba ang driver para umihi.
Sinalpok ng korean-made military truck ang ilang mamimili sa palengke, pati na ang ilang sasakyan, gaya ng isang delivery truck, nakaparadang sports utility vehicle, at dalawang motorsiklo.
Dead-on-the-spot ang dalawang biktima habang naaresto naman ng mga otoridad ang suspek na nahaharap sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide, Physical Injury at Damage to Property.
Maari namang makasuhan ng administratibo ang truck driver kung mapatutunayang nagpabaya siya sa kanyang tungkulin.
—Ulat ni Lea Soriano-Rivera, DZME News