Dalawa pang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) malapit sa Pag-asa Island, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa press conference, sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, na batay sa unang report, BRP Datu Pagbuaya lamang ang direktang inatake ng CCG 21559 kahapon ng umaga.
Gayunman, inihayag ni Tarriela na natikim din ng water cannon mula sa naturang CCG ship ang BRP Datu Bankaw gayundin ang BRP Datu Sanday.
Aniya, sa kabuuan ay tatlong BFAR vessels ang tinarget ng water cannon ng CCG 21559, batay sa impormasyon mula sa BFAR.
Binigyang-diin ng PCG official na tanging BRP Datu Pagbuaya lamang ang binangga at nagtamo ng malalaking pinsala mula sa ginawang pag-atake ng Chinese vessel.