Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na dalawa sa tatlong isinugod na Pilipino sa ospital ang nasa kritikal na kalagayan, matapos sumiklab ang sunog sa isang residential building kahapon sa Kuwait.
Ayon sa OWWA tinatayang nasa 11 ang kabuuang bilang ng mga OFW na naapektuhan ng sunog.
Tiniyak naman ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na nakatutok ang mga kawani ng OWWA sa Kuwait sa kalagayan ng tatlong Pilipinong nasa ospital upang agad na maibigay ang kinakailangang tulong ng mga biktima.
Nakausap na rin ng OWWA ang kaanak ng tatlong Pinoy sa Pilipinas upang tiyakin na mabibibigay ang kanilang mga pangangailangan.
Bukod sa tatlong nasa ospital, ligtas naman ang tatlo pang OFWs na apektado ng sunog, habang inaalam pa ang status ng lima pang Pinoy.