Kinumpirma ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ginawang balitaan ng National Press Club (NPC) na nakita na ang dalawang estudyanteng aktibista na umano’y nawawala at dinukot.
Sa press conference sinabi ni Assistant Director General Jonathan Malaya, ng National Security Council (NSC) na nakita na sina Jhed Tamano at Jonila Castro, mga organizer ng kilusan.
Nabatid na sinasabi ng ilang front ng communist group na dinukot ng milítar ang dalawang ito ngunit sa imbestigasyon ng pulisya at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kusang kumalas sa kilusan ang mga ito upang makapag-bagong-buhay at makapiling ang kanilang mga magulang.
Ayon naman kay Poliçe Captain Carlito Buco, Jr, chief PIO ng Bataan PPO, mula Day 1 na inulat na nawawala sina Tamano at Castro ay hindi tinigilan ng pulisya ang imbestigasyon hanggang sa sumuko ang dalawa.
Pinaliwanag ni Malaya na ang dalawa ay humingi ng tulong sa tinatawag nilang “ate” na nagdala sa kanila sa kampo ng militar sa Pampanga.
Ang dalawa aniya ay nasa tiyak ng kaligtasan sa tinutuluyang safe house na anumang oras ay maaaring dalawin ng kanilang mga magulang.
Tiniyak din ni Malaya na mananagot ang sinumang nagpakalat ng fake news sa social media kaugnay sa umano’y pagdukot ng mga military kina Tamano at Castro at posibleng sampahan ng kasong paglabag sa cybercrime law. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News