Dalawang milyong bivalent vaccines laban sa COVID-19 ang nakasalang sa negosasyon, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa.
Sinabi ng kalihim na hindi direktang manggagaling ang mga bakuna sa alinmang national government kundi mula sa COVAX ng World Health Organization.
Sa ambush interview sa paglulunsad ng bivalent vaccination sa Philippine Heart Center sa Quezon City, inihayag ni Herbosa na hindi pa niya masabi ang eksaktong petsa ng pagdating ng 2-M doses subalit inaasahan na nila ito sa tulong ng COVAX.
Kaninang umaga ay sinimulan na ng Department of Health ang pagtuturok ng bivalent COVID-19 doses, kung saan isa si Herbosa sa mga unang recipient ng naturang bakuna. —sa panulat ni Lea Soriano