dzme1530.ph

2 kaso ng illegal possession of firearms, ipinababasura ni Negros Oriental Cong. Arnie Teves

Hiningi ni Negros Oriental Cong. Arnie Teves sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang dalawang kasong illegal possession of firearms na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa kanya.

Sa isinumite na Verified Consolidated Motion to Dismiss ng kanyang mga abogado sa DOJ, idiniin ni Teves na walang matibay na ebidensya para idiin siya sa naturang mga kaso.

Ipinunto ng Kongresista, marami sa kanyang karapatan ang nalabag ng gawin ng CIDG ang pag-raid sa kanyang tahanan sa Negros Oriental.

Kabilang na dito ang umano’y kawalan ng presensya niya at ng kanyang mga abogado nang gawin ang operasyon.

Mas nauna rin daw na pumasok ang clearing team bago ang search team para halughugin ang kanyang mga bahay.

Inakusahan din niya si Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na mastermind sa lahat ng mga kaso na ibinibintang sa kanya.

Ginamit din ng mambabatas ang two-witness rule for searches sa ilalim ng Rules of Court kung saan hindi pwedeng tanggapin sa korte ang anumang paghalughog ng walang saksi o testigo.

Maliban kay Cong. Teves, kasama rin sa mga kinasuhan ng illegal possession of firearms ang dalawa niyang anak na sina Kurt Matthew at Axel. —sa ulat ni Felix Laban

About The Author