dzme1530.ph

2 kaalyadong senador ni dating Pangulong Duterte, nanindigang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pinas

Muling nanindigan sina Senators Francis Tolentino at Christopher Bong Go na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

Ito ay kasunod ng pagbasura ng ICC sa apela ng gobyerno ng Pilipinas kontra sa pag-iimbestiga sa war on drugs campaign na pinatupad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni Tolentino na sa umpisa pa lang ay wala nang hurisdiksyon ang ICC sa ating bansa.

Matatandaang taong 2019 naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.

Ipinaliwanag pa ng senador na anumang foreign entity ay walang otoridad na imbestigahan ang administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

Sinabi naman ni Go na maliwanag na gumagana ang mga korte ng Pilipinas at walang karapatan ang ICC na makialam sa internal affairs ng bansa

Idinagdag pa ni Go na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad dito sa ating bansa ang war on drugs.

Mga Pilipino lang anya ang dapat na humusga sa kapwa nila Pilipino sa harap ng korte ng Pilipinas sa batay sa batas ng Pilipinas. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author