Pinatawan ng contempt at ipinakulong ng Senate Committee on Agriculture ang dalawang broker na sangkot sa mga nasabat na smuggled agricultural products matapos umanong magsinungaling sa pagdinig.
Kinilala ang mga ito na sina Lujin Arm Tenero ng 1024 Consumer Goods Trading at Brenda de Sagun ng Berches Consumer Goods Trading. Pareho silang ipinakulong matapos hindi paniwalaan ng mga senador ang kanilang mga sagot kaugnay ng mga importer na nakatransaksiyon nila.
Nagalit sina Senador Kiko Pangilinan, chairman ng Committee on Agriculture, at Senador JV Ejercito matapos sabihin nina Tenero at De Sagun na hindi nila alam ang buong pangalan ng kanilang mga kliyente na umano’y responsable sa importasyon ng mga smuggled goods.
Ayon kay Tenero, isang “Carlos” lamang ang kanyang nakausap ukol sa importasyon ng mga container na idineklarang naglalaman ng chicken poppers at chicken lollipops, ngunit nadiskubreng puno pala ng frozen mackerel at round scads.
Iginiit pa nito na hindi niya alam ang apelyido ng nasabing Carlos at hindi na rin umano niya ito mahanap.
Hindi ito pinaniwalaan nina Pangilinan at Ejercito, na nagsabing imposibleng isang beteranong broker tulad ni Tenero ay walang alam sa buong pagkakakilanlan ng kanyang ka-transaksyon, lalo na’t malakihan ang halaga ng naturang shipment.
Sinabi ni Pangilinan na kung puno na ang detention facility sa Senado ay maaaring ikulong si Tenero sa Pasay City Jail.
Dito napaiyak si Tenero at iginiit na nagtrabaho lang siya at nag-aalala ang kanyang ina sa kanyang kalagayan.
Samantala, si De Sagun ay na-contempt din matapos aminin na ang kanilang lisensya sa Berches Consumer Goods Trading ay nirentahan ng isang “Mr. Vicente,” na hindi rin niya alam ang buong pangalan at hindi na rin umano niya mahanap.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-import ang Berches ng 19 container vans na idineklarang may lamang chicken lollipops at chicken poppers, ngunit nadiskubreng naglalaman pala ng carrots at mga pulang at puting sibuyas.
Ayon kina Pangilinan at Ejercito, malinaw na ginagamit lamang ng mga smuggler ang mga broker at kanilang lisensya, ngunit binigyang-diin din ng mga senador na hindi katanggap-tanggap ang pagsisinungaling sa Senado.