Itinuturing ni Sen. Panfilo Lacson na isang malaking insulto ang hindi patas na taripa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, lalo na’t kasunod ito ng pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay U.S. President Donald Trump.
Kaugnay ito ng ipapataw na 19 percent tariff ng Amerika sa mga produktong manggagaling sa Pilipinas, habang zero tariff naman ang nakatakdang ipatupad sa mga produktong mula sa Amerika na papasok sa Pilipinas.
Ayon kay Lacson, ang naturang kasunduan ay hindi makatarungan at hindi nararapat sa pagitan ng dalawang bansang matagal nang magkaalyado. Aniya, panahon na para humanap ang Pilipinas ng ibang mga trade partner bukod sa Amerika.
Para naman kay Sen. JV Ejercito, dehado at muling naisahan ang Pilipinas sa kasunduan. Aniya, nakapagtatakang hanggang ngayon ay “little brown brother” pa rin ang tingin ng Amerika sa Pilipinas.
Maging si Sen. Imee Marcos ay naniniwalang talo ang bansa sa naturang kasunduan, subalit iginiit niyang nais muna niyang makita ang buong detalye bago tuluyang humusga.
Samantala, iginiit naman ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na naging productive ang naging pagbisita ni Pangulong Marcos sa Amerika.