Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na 15 beses pang maisasailalim sa yellow alert ang Luzon grid sa natitirang mga buwan ng 2023.
Inihayag din ng DOE na posible pa rin ang red alert kung mauulit ang tripping ng transmission line na nangyari kahapon.
Sinabi ng ahensya na inaasahan pa rin ang yellow alerts sa lahat ng linggo ng Mayo, weeks 22 hanggang 24 sa Hunyo; weeks 32 hanggang 34 sa Agosto; weeks 35 at 38 sa Setyembre; weeks 39 at 42 sa Oktubre; at week 47 sa Nobyembre.
Kahapon ay naranasan ang kauna-unahang red alert ngayong taon makaraang limang power plants ang nagkaroon ng forced outages habang tatlong iba pa ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad kasunod ng tripping ng Bolo-Masinloc transmission line.
Ang red alert ay itinataas kapag hindi sapat ang power supply para ma-meet ang demand ng consumers dahilan para magkaroon ng brownouts habang ang yellow alert ay itinataas kapag manipis ang supply at hindi sapat para maabot ang regulatory at contingency requirements ng transmission grid. —sa panulat ni Lea Soriano