dzme1530.ph

13 road sections sa Cordillera, isinara dahil sa soil erosions bunga ng Bagyong Egay

Pansamantalang isinara sa mga motorista ang 13 road sections sa Cordillera Administrative Region sa harap ng pananalasa ng Bagyong “Egay”.

Sa disaster response briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, iniulat ng DPWH na isinara muna sa trapiko ang 13 road sections upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Ito ay dahil sa naitalang soil erosions at soil collapse o pagguho ng lupa, pagragasa ng putik, at mga natumbang puno.

Kabilang sa mga isinara ang intermittent sections ng Abra-Ilocos Norte road, Abra-Ilocos Sur road, Abra-Kalinga road, Baguio-Bontoc road, Mt. Province-Nueva Vizcaya road, Shilan-Beckel road, at Kennon road.

Hindi rin muna madadaanan ang bahagi ng Mt. Province-Calanan road, Pinukpuk-Abbut road, at Lubuagan-Batong Buhay-Abra boundary road.

Samantala, mayroon ding apat na road sections na may limitadong access lamang sa mga motorista kabilang ang bahagi ng Abra-Ilocos Norte road, Banaue-Hunduan-Benguet boundary road, at Gov. Bado Dangwa National road sa Cordillera, at Calapan South road sa MIMAROPA.

Nilagyan na ng warning signs ang mga apektadong kalsada at ipinakalat na rin ng DPWH ang mga tauhan at kagamitan para sa clearing operations. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author