Limang Chinese, anim na Pilipino, at isang Malaysian na umano’y sangkot sa human trafficking ang dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City.
Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief, Atty. Jeremy Lotoc, inaresto ang mga suspek sa dalawang magkahiwalay na operasyon na nagresulta sa pagkakasagip sa 27 Pilipina, kabilang ang 4 na menor de edad.
Sinabi ni Lotoc na naghahanap ang mga suspek ng kanilang mga bibiktimahin sa Telegram app.
Aniya, modus ng mga suspek na ligawan at kunin ang tiwala ng mga babae hanggang sa ilayo ang mga ito sa pamilya at mga kaibigan at maging emotionally o financially dependent sa kanila.
Inihayag ni Lotoc na ang huling sigwada ng trafficking scheme ay exploitation kung saan ginagamit ang mga biktima para sa sex trade. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera