dzme1530.ph

100 graduates ng BPBRC binigyan ng misyong isulong ang matiwasay na kinabukasan sa Bangsamoro

“Pagsusulat ng isang bagong yugto para sa Bangsamoro tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan”.

Ito ang misyong ibinigay ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa isandaang Moro combatants na nagtapos sa Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC).

Sa kanyang talumpati sa graduation ceremony sa Camp Pendatun sa Parang, Maguindanao Del Norte, inihayag ng pangulo na ang misyon ng mga bagong Bangsamoro police ay higit pa sa paglilingkod at pangangalaga sa kanilang mga kababayan.

Ang kanila umanong pagsasanay at pagtatapos ay higit pa sa pagtupad sa obligasyong nakasaad sa Bangsamoro Organic Law, dahil ito ay ang pagsasakatuparan sa tuloy-tuloy na kapayapaan at pag-unlad, at nasa kanila umanong mga kamay ang pagkakamit sa patuloy na tagumpay.

Kaugnay dito, ipina-alala ng pangulo na kahit saanman sila italaga, sila ay magiging kinatawan ng kaayusan at pagbabago na maipamamana sa ating mga anak.

Sinabi rin ng chief executive na walang sinumang makapapantay sa kwento ng muli nilang pagbangon sa harap ng kanilang mga pinagdaanan, at sa kanilang pagpili sa kapayapaan, katarungan, at pagkakasundo.

About The Author