Pinangunahan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Walang Gutom Awards para sa mga lokal na pamahalaan na nagpatupad ng mga natatanging programa laban sa gutom at para sa food security.
Sa seremonya sa Malacañang ngayong Miyerkules ng umaga, pinarangalan ang sampung napiling LGU kabilang ang Brgy. Commonwealth sa Quezon City at Brgy. Naggasican sa Santiago City para sa Brgy. Level, at Asuncion Davao del Norte, Palompon Leyte, at Bacnotan La Union para sa Municipal level.
Kasama rin ang Kidapawan City Cotabato, Bago City Negros Occidental, Cadiz City Negros Occidental, at Mati City Davao Oriental para sa City Level, at Biliran sa Provincial Level.
Ang mga nagwagi ay tumanggap ng tigda-dalawang milyong piso mula sa Sustainable Livelihood Program ng Dep’t of Social Welfare and Development.
Samantala, tatanggap din ng tig-iisang milyong piso ang pitong iba pang LGU finalists na hindi napili sa Top 10.
Sa kanyang talumpati, hinikayat ng Pangulo ang lahat ng LGU na tingnan ang mga programa ng Walang Gutom Awardees, para sa posibleng pagpapaigting at pagpapatupad din nito sa kanilang mga lugar.