dzme1530.ph

1 opisyal ng Malacañang, hinimok ang Kongreso na pag-aralan din ang pag-amyenda sa political provisions sa Saligang Batas, kabilang ang pagpapalawig ng termino ng local officials

Humiling ang isang opisyal ng Malacañang sa Kongreso na pag-aralan din ang posibleng pag-amyenda sa political provisions sa Saligang Batas, kabilang na ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal.

Sa liham na naka-address kina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez, sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na ang mga diskusyon sa pag-amyenda sa economic provisions ay maaari ring maging magandang oportunidad para pag-aralan din ang mga pagbabago sa political provisions.

Kabilang sa mga iminungkahi ni Gadon ay ang pagpapalawig sa anim na taon mula sa tatlong taon sa termino ng local officials kabilang ang mga kongresista, gobernador at bise-gobernador, board members, alkalde at bise-alkalde, at mga konsehal.

Sinabi ni Gadon na ang pagdaraos ng eleksyon kada tatlong taon ay gumagamit ng bilyung-bilyong pisong pondo ng publiko na mabigat din para sa mga kandidato.

Samantala, hiniling ding itaas sa 48 mula sa 24 ang bilang ng mga senador, na magbibigay-daan para mabawasan ang kanilang committee assignments, at mas matututukan nila ang mga diskusyon para sa mas maayos na governance practices.

Kasama rin ang pag-transition sa parliamentary government mula sa presidential kung saan paghahatian ng senate president at house speaker ang posisyon ng prime minister.

About The Author