Pinatitiyak ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Agriculture na mahigpit na imonitor ang pagpapatupad ng ₱45/kilo na maximum suggested retail price sa imported na bigas.
Sinabi ni Gatchalian na malaking ginhawa para sa maraming Pilipino ang pagbaba ng presyo ng imported na bigas at ang itinakdang price cap ay positibong hakbang upang matulungan ang mga konsyumer na makaagapay sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Gayunpaman, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mahigpit na pagpapatupad ng panuntunan upang matiyak na epektibo itong maipapatupad sa lahat ng pamilihan.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na umaasa siyang mas magiging agresibo pa ang gobyerno sa pagsasagawa ng mga hakbang upang mapababa rin ang presyo ng iba pang pangunahing bilihin sa bansa.
Kasabay nito, hinihikayat ng senador ang publiko na maging mapanuri at ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga tindahang hindi sumusunod sa itinakdang SRP upang matiyak ang patas na presyo sa lahat ng mamimili.