Karagdagang ₱30 hanggang ₱40 sa arawang sweldo ang matatanggap ng mga manggagawa sa mga pribadong establisyimento sa Western Visayas habang ₱1,000 naman kada buwan sa mga kasambahay.
Ito’y matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang hirit na umento sa sahod ng minimum wage earners sa naturang rehiyon.
Ayon kay Regional Director Sixto Rodriguez Jr., additional ₱33 ang inaprubahan para sa non-agricultural na may mahigit sampung empleyado, kaya mula sa ₱480 ay magiging ₱513 na ang kanilang arawang sahod.
₱35 naman ang dagdag sa non-agricultural na hindi lalagpas sa sampu ang empleyado, kaya mula sa ₱450 ay magiging ₱485 na ang kanilang daily minimum wage.
Ang mga agricultural worker sa rehiyon na kasalukuyang sumusweldo ng ₱440 ay madaragdagan ng ₱40, kaya magiging ₱480 na ang kanilang minimum na arawang sahod.
Samantala, inaprubahan din ng board ang ₱1,000 na monthly wage increase para sa mga kasambahay, kaya papalo na sa ₱6,000 ang kanilang sweldo mula sa kasalukuyang ₱5,000. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera