dzme1530.ph

₱11.8-B expired na medical supplies ng DOH, pinaiimbestigahan sa Senado

Loading

Nais ni Sen. Joel Villanueva na imbestigahan ng Senado ang usapin kaugnay sa mga nag-expired na medical supplies sa Department of Health noong 2023 na umabot ng ₱11.8-B na halaga.

Sa kanyang Senate Resolution 1326, nais ni Villanueva na pagpaliwanagin ang DOH kung bakit inabot ng pagkasira ang mga gamot at iba pang medical supplies.

Ito ay matapos iulat ng Commission on Audit (COA) ang naaksayang pondo dahil sa hindi sapat na pagpaplano ng pagbili, kawalan ng kahusayan, at posibleng matinding kapabayaan o maling pamamalakad sa ahensya.

Ayon kay Villanueva, kailangang matukoy ang may pananagutan sa isyu lalo na’t malaking halaga ang nasayang na sana’y napakinabangan ng mga nangangailangang pasyente sa bansa.

Ipinaalala ng senador na milyon-milyong Pilipino ang hirap makabili ng gamot at walang maayos na access sa serbisyong pangkalusugan kaya’t hindi katanggap-tanggap na may ganitong kalaking halaga ng suplay medikal ang masisira lamang.

Idiniin din niya na dapat tiyakin ang tamang sistema ng pagbili at distribusyon ng medical supplies upang hindi na maulit ang ganitong kapabayaan sa hinaharap.

Samantala, pinangunahan ni Villanueva ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa 1,000 residente ng Iloilo City kasabay ng kanyang panawagan para sa mas mahigpit na pangangasiwa sa pondo ng gobyerno, lalo na sa sektor ng kalusugan.

About The Author