![]()
Pinatitiyak ni Sen. Pia Cayetano na mananatili sa 2026 national budget ang ₱60 billion na ibinalik sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito anya ay batay sa kautusan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyang-diin ng senador na ito ay bahagi ng obligasyong itinatakda ng batas at hindi lamang usapin ng pulitika o diskresyon. Nakapaloob na ang ₱60 billion sa inaprubahang General Appropriations Bill ng Kamara at kailangan lamang matiyak na mananatili ito hanggang sa final version ng National Budget.
Ayon kay Cayetano, ito rin ay pagsunod sa Universal Healthcare Act at sa Sin Tax Reform Law, na nag-uutos na bahagi ng sin tax revenue ay ilaan sa PhilHealth upang pondohan ang Universal Healthcare Program. Idinagdag ng senador na ang pagbawas o pagharang sa pondong ito ay labag sa batas.
Ipinaalala rin nito na ang pagpapanatili ng naturang pondo ay isang ligal at moral na tungkulin para sa sambayanang Pilipino.
