dzme1530.ph

₱355M na sinasabing ibinaba ni Sen. Estrada sa flood control projects, kinumpirmang pasok sa 2025 national budget

Loading

Kumpirmadong nakapaloob sa 2025 national budget ang sinasabing ₱355 milyon na umano’y insertion para sa flood control projects na ibinibintang ni Engineer Brice Hernandez na ibinaba ni Sen. Jinggoy Estrada sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, wala ang naturang insertion sa National Expenditure Program at sa House General Appropriations Bill. Inaalam na lamang kung ito’y naisama sa Senate version ng budget o sa bicameral conference committee.

Sa pagsusuri ni Lacson, ang ₱355 milyon ay kabilang sa kabuuang ₱1.42 bilyong Senate insertions sa 2025 national budget. Tinutukoy pa kung ito ba ay iisang proyekto lamang o hinati-hati sa iba’t ibang flood control projects.

Kinumpirma rin ni Lacson na may isang proyekto sa Valenzuela City, ang Phase 3 ng flood control project, na nai-award sa Globalcrete Corporation, kompanyang pag-aari ni Candaba, Pampanga Mayor Rene Maglanque.

Dahil dito, plano ni Lacson na ipatawag sa susunod na pagdinig si Budget Sec. Amenah Pangandaman upang malaman kung na-release na ang pondo para sa mga proyekto.

Balak din nitong imbitahan si dating Senadora Grace Poe, na noo’y chairman ng Senate Finance Committee na bumalangkas ng national budget para sa taong ito.

About The Author