dzme1530.ph

₱200 legislated wage hike bill, nangangailangan pa ng masusing pag-aaral —PBBM

Loading

Nangangailangan pa ng masusing pag-aaral ang ₱200 legislated wage hike bill.

Ito ang tugon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa harap ng panawagang sertipikahang urgent ang panukalang batas na magtataas sa arawang sahod ng mga manggagawa.

Sa ambush interview sa Pasay City, inihayag ng Pangulo na kailangang umisip ng paraan kung papaano matutulungan ang mga pangkaraniwang Pilipino sa harap ng tumataas pa ring presyo ng mga bilihin, at hindi pa rin nasusugpong problema sa inflation.

Gayunman, bagamat wala umanong magiging problema sa corporate companies ang posibleng taas-sweldo, nag-aalala naman ang maliliit na employers partikular ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), dahil hindi naman madadagdagan ang kanilang kita kaya’t maaaring mag-resulta ito sa pagkabawas sa kanilang mga empleyado.

Kaugnay dito, iginiit ni Marcos na kailangan munang resolbahin ang legal at economic issues ng panukalang umento sa sahod.

Dapat din umanong magkaroon ng pakikipagtulungan sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards, na binuo upang alamin ang naaayong minimum wage sa bawat rehiyon. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author