Isusulong ni Sen. JV Ejercito na maitaas sa ₱100-B ang pondo ng Department of National Defense para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Sinabi ni Ejercito na sa ilalim ng National Expenditure Program, nasa ₱75-B lang ang alokasyon para sa modernization program.
Sa panukalang pondo, ₱50-B ang nakapaloob sa programmed funds habang ₱25-B ang nasa ilalim ng unprogrammed funds na hindi pa tiyak ang panggagalingan.
Iginiit ng senador na kailangang-kailangan ang pondong ito lalo sa panahon ngayon na patuloy na nakakaranas ng pambubully at harassment ang bansa sa China.
Malaking tulong anya ang dagdag na pondo para palakasin ang external defense ng bansa upang magsilbing deterrent sa mga pag-atake sa atin. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News